ANG TUNAY NA SARAP NG BUHAY

Pagdating ko sa eskwelahan ay siya pa lang ang tao sa aming silid-aralan. Mukha siyang inaantok ngunit nang makita niya ako ay agad siyang ngumiti at bumati.

“Magandang umaga Charlene! Maganda bang gising mo? Ako oo, nagluto kasi ang papa ko ng adobong baboy at may pinya pa! Nagbaon pa nga ako e, bibigyan kita mamaya para matikman mo!” sabi ni Michelle.

“Maganda naman ang gising ko ngayong umaga at mas lalong gumanda pa nang makita kita! Wag mo kakalimutang bigyan mamaya ng baon mo ha at bibigyan din kita ng baon kong tuna sandwich.” Tugon ko sa kanya.

Ayun si Michelle, masayahin at maalalahaning kaibigan. Kaibigan siya ng buong klase at ng mga guro. Natutuwa sila sa kanya dahil siya’y napakagalang at masunurin at ni minasa’y hindi naming siya nakitang nawalan ng sigla. Sumisimangot lamang siya kung may pagsusulit sa matematika ngunit pinipilit niya ang kanyang makakaya na mas lalong nagpapasaya sa amin.

Excited na inilabas ni Michelle ang kanyang baon at ibinigay sa akin ang isang hiwa ng baboy.

“Oo nga ang sarap ng luto ng papa mo! Tama lang yung tamis sa alat ng adobo!” tuwang-tuwa kong sabi sa kanya.

“Sabi ko sa’yo e, masarap talaga ang luto ng papa ko! Nitong Sabado nga lang e nagluto siya ng dinuguan at nagprito pa siya ng manok noong Linggo, at mas masarap pa ang luto niya kesa sa mga fast food chain. At sabi ng papa ko, pag-uwi ko daw galing eskwela e lulutuan niya ako ng sinigang na bangus!” Kwento niya sa akin.

Ganoon siya palagi, laging ikinukwento ang mga niluluto ng kanyang papa. Palagi kaming binabahagian ng mga kwentong pagkain, at kahit yung mga pagkaing hindi naming alam kung saan nanggaling ay ikinukwento niya, basta’t luto ng kanyang ama. Araw-araw ay may ikinukwento siyang bagong putahe na kanyang natikman at hangga’t maaari ay nagdadala siya upang ipatikim sa akin.

Tulad na lang ng sushi na dinala niya noong nakaraang Lunes, bagama’t lasang hilaw ay masarap naman at masustansya. Noong Martes, nagluto raw ang papa niya ng manok na nilaga sa sabaw ng buko at pinya na kahit na hindi ko natikman ay nabusog naman ako sa kanyang pagkukwento. Miyerkules, isang sili na binalot sa lumpia wrapper at may mga keso at mga gulay na mas kilala sa tawag na Dynamite. Huwebes, ensaymada na may palaman sa loob at noong Biyernes ay nagkwento siya tungkol sa isang pagkain na kinakain ng arabo.

Sabi ng aming mga kaklase alagang-alaga raw sa kanilang mga kalusugan ang kanyang mga magulang dahil kung magluto raw ang mga ito ng pagkain ay halos kumpletuhin na ang menu sa mga restaurant sa dami. Pero hindi na rin ako nagtataka dahil mayaman naman sila at tatlo lang silang magkakapatid. At chef rin kasi ang papa niya sa isang restaurant kaya ganoon na lang ito kung magluto.

Kinabukasan ay siya pa rin ang sumalubong sa akin sa aming silid aralan, masaya at puno ng sigla. “Magandang umaga Charlene! May pandesal ako rito, gusto mo? May palaman tong keso!” alok ni Michelle sa akin.

“Sige ba! Ang bago naman tong pandesal saan mo binili?” tanong ko sa kanya.

“Ito? Ang papa ko ang gumawa nito, ang sarap no?!” pagmamalaki ni Michelle. Binigyan rin niya ang dalawa pa naming kaklase na dumating at naubos rin kaagad dahil binigyan pa niya ang kanyang crush na si David.

Buong araw ay ganoon pa rin si Michelle, masyahin at laging nagkukwento tungkol sa mga pagkaing niluluto ng kanyang ama at namamahagi ng kanyang baon. Nang uwian ay binigyan niya ako ng envelope, birthday na pala niya sa Linggo.

“Gusto kong pumunta ka sa bahay sa Linggo dahil kaarawan ko!” sabi niya.

“Sige ba! Sasabihin ko kay mama para payagan niya ako! Sige na uuwi na ako! Ingat ha!” paalam ko sa kanya.

“Sige ako rin uuwi na, ingat ka rin!” paalam niya sa akin.

Excited na ako sa Linggo, kaya pagdating ko sa bahay ay sinabi ko kaagad sa aking mama ang tungkol sa kaarawan ni Michelle.

“Mama! Pwede po bang pumunta ako sa kaarawan ni Michelle sa Linggo?”

“Bakit sa Linggo na ba ang kaarawan ni Michelle? Ah tama! Iyam na taon na rin siya tulad mo, oo sige pwede kang pumunta at pwede mo na rin suotin ang bago mong damit na binili ng iyong ama.” Sabi ng aking ina. Tuwang-tuwa ako na marinig iyon sa aking mama at dahil na rin masusuot ko na ang aking bagong asul na damit.

Hindi na ako makapaghintay na mag-Linggo, hindi rin ako masyadong makatulog dahil excited talaga ako. Ganoon rin ang sabi sa akin Michelle, hindi rin siya makatulog dahil sa kanyang kaarawan at kinuwento rin niya sa akin ang hitsura ng kanyang susuotin na damit.

“Yung binili ng aking mama na damit para sa aking kaarawan ay isang pulang gown na may malaking ribbon sa likuran, kung itataas mo ang ribbon ay pwede na itong pakpak sa laki nito!” ani Michelle.

“Yung susuutin ko naman sa kaarawan mo ay isang asul na damit na hanggang tuod ko, simple lang ito kung titignan pero may mga disenyo itong dyamante sa bandang katawan at may ribbon rin ito sa likuran!” kwento ko sa kanya.

At nang dumating na ang Linggo ay hinatid ako ng aking mama sa bahay nila Michelle. Hindi ko siya kaagad nakita pero nagulat ako sa mga pagkain inihanda ng kanyang ama. Parang hindi kaarawan ng isang bata na puro spaghetti at fried chicken. Ang daming ulam at mga deserts pero sa nakikita ko ay kaunti lang ang tao. Ngunit maya-maya ay dumarami na rin ang mga bisita, habang ako ay nakaupo mag-isa sa mesa ay ginulat ako ni Michelle.

“Wow! Michelle ang ganda nga ng damit mo! At ang laki pala talaga ng ribbong sa likuran! Hahaha! Talaga bang nakalobo ito? Hindi ka ba nahihirapan sa ganyang damit? Mukhang mabigat!” usisa ko sa damit niya.

“Salamat at nagustuhan mo ang damit ko! Oo talagang nakalobo ito dahil may mga tela pa ito sa ilalim at medyo nahihirapan rito ako pero sana’y naman ako sa ganito,” sabi ni Michelle “Ang ganda rin ng damit mo! At kumikinang pa dahil sa mga disenyong dyamante!”

“Michelle mukhang magsisimula na ang programa, halika na pumunta na tayo sa bakuran ninyo.” sabi ko sa kanya.

Masayang-masaya kami sa kanyang kaarawan, may mga clown pang nagma-magic at kain lang kami nang kain, laru nang laro, at tuwang-tuwa ako dahil masayang- masaya si Michelle sa kanyang kaarawan.

“Ang sarap naman ng fried chicken ng papa mo Michelle!” sabi ko sa kanya.

“Sabi ko sayo e! Tama lang ang tamis!” sagot ni Michelle. Nagtinginan kami ng iba pa naming mga kaklase dahil sa sinabi ni Michelle. At biglang tumawa ng malakas si David.

“Tamis? Hindi naman matamis ang fried chicken Michelle nagpapatawa ka ba?” nagtatakang tanong ni David sa kanya.

“Oo nga Michelle, hindi naman matamis ang fried chicken Michelle, bakit wala ka bang panlasa? Ikaw talaga ha!” natatawa kong sabi sa kanya.

“Ay hindi akala ko kasi e yung carbonara ang tinutukoy mo! Tikman mo rin tong pakbet ni papa, masarap yan, maalat.” sagot niya sa akin. At inabot niya sa akin ang pakbet pero hindi naman ito aalat kung walang bagoong. Tnikman ko kung maalat na ang pakbet pero hind naman.

Pagkatapos naming kumain ay naglaro pa kami ngunit napansin kong tila nawawalan na ng gana si Michelle. Baka siguro ay pagod na siya o kaya ay busog lang pero nakikipaglaro naman siya sa ibang bata at medyo umiiwas rin siya sa akin. Hindi ko alam kung may nasabi ba ako o nagawang mali, at medyo nalungkot ako nang umuwi na ako dahil parang may nagawa talaga akong mali.

Kinabukasan, wala pa si Michelle nang dumatin ako sa aming silid aralan. Baka maaga lang akong nagising kanina. Nasabi ko sa aking sarili, ngunit ganitong oras naman ako laging nakakarating sa eskwelahan bakit kaya ganun?

Maya-maya lang ay dumating na ang iba naming kaklase, at doon lang siya lumitaw. Mukha pa siyang inaantok, at sa tingin ko ay dahil pagod lang siya kahapon. Dire-diretso lang siya sa kanyang upuan at hindi ako binate o kung sino man. Nanduon lang siya sa kanyang upuan, nilalapitan iya n gaming mga kaklase upang batiin siya at sabihing masya ang kanya birthday party, pero kaagad ding umaalis ang mga ito. Napag-isip kong lumapit sa kanya at nang makita niya ako ay nagulat siya.

“Magandang umaga Michelle!” batik o sa kanya.

“Ah! Ikaw pala Charlene! Magandang umaga rin!” bati niya sa akin.

“Mukhang inaantok ka pa ah! Hindi ka ba kaagad nakatulog kagabi?” tanong ko sa kanya.

“Oo parang ganun na nga, sige iidlip muna ako, matagal pa naman ang unang klase e.” sagot niya sa akin.

Tila nagbago ang masayahin at masiglang si Michelle hindi na siya nagkukwento ng mga pagkain pagkatapos noon at hindi na rin namamahagi ng kanyang baon. Naging matamlay rin siya palagi rin niya akong nilalayuan lalo na tuwing recess. At isang araw ay nakita ko siyang kasama ang kanyang ate sa pagkain sa aming canteen.

“Ang sarap naman pala ng bicol express ate, maalat-alat!” sabi ni Michelle sa kanyang ate.

“Hindi Michelle, hindi maalat ang bicol express, maanghang ito.” Pagtatama ng ate niya.

“Ha? Di ba masakit sa dila yung maanghang? Hindi ba sumasakit yung dila mo ate?” tanong ni Michelle.

“Hindi naman masyado, sanay naman akong kumain ng maang hang e.” abi ng ate ni Michelle.

At nagulat ako sa aking narinig. Nagtataka ako kung bakit ganoon si Michelle. Bakit kaya hindi tama ang kanyang mga panlasa at bakit parang hindi naman siya ganoon dati? Natutulala ako pagbalik ko sa aming silid-aralan. Iniisip ko kung ano ang maaaring dahilan kung bakit siya nagkakaganun. Ang bulag hindi nakakakita, ang bingi hindi nakakarinig, ang pipi hindi nakakapagsalita, e ano yung kay Michelle? Bakit ba siya nagkakaganun? Hindi kaya wala talaga siyang panlasa? Namutla ako sa aking inisip at kaagad na binura iyon a aking isip ngunit tuwing napapatingin ako sa kanyang pwesto ay hindi ko mapigilang tanungin ang sarili kung talaga bang maaaring mawalang ng panlasa ang isang tao?

Pagkatapos n gaming klase ay nagmadali akong pumunta sa bahay nila Michelle, sumakay na rin ako ng tricycle para maunahan ko si Michelle. Pagdating sa bahay nila ay nagmadali akong kumatok at ang sumalubong sa akin ay ang papa ni Michelle.

“O, ikaw pala Charlene! Halika pasok ka.” sabi ng papa ni Michelle. “Salamat po.” sagot ko.

“Wala pa rito si Michelle e, anu bang ipinunta mo rito?” tanong ng papa ni Michelle.

“Uhmm, gusto ko lang po kayong tanungin, wala po bang panlasa si Michelle?” namutla ang papa ni Michelle sa tanong ko.

“Mukhang alam mo na. Ganito kasi iyon, nula pa nung bata si Michelle nang mapansin naming na wala siyang iabang reaksyon kundi umiyak noon tuwing kami ay kumakain, yun pala ay hindi niya nalalasahan ang kanyang kinakain kaya pinapatikim ko siya ng mga putahe at tinuturo sa kanya ang lasa para alam niya kung ano ang sasabihin sa mga tao kung sakaling tanungin siya. Sobra kaming nalungkot dahil doon pero matapang siyang bata, nagpursige pa rin siyang itago ang tungkol sa bagay na iyon dahil ayaw niyang matukso, pero sana maintindihan mo na pinoproyektahan lang din naming siya.”

At pagkatapos ay nakatayo na sa aming harapan si Michelle, umiiyak.

“Sorry Charlene kung hindi ko sinabi sa iyo ang totoo, gusto ko lang kasing maging normal kagaya niyo na mayroong panlasa. Pasensya na, alam kong masamang magsinungaling pero, iyon lang ang naiisip kong paraan e.” sabi ni Michelle.

“Okay lang iyon Michelle para sa akin normal kang bata at masaya ako dahil nanging kaibigan kita!”

At umuwi ako sa bahay na masya at naliwanagan tungkol kay Michelle. At kung may makaalam pang ibang tao tungkol rito, ipagtatanggol ko siya at tutulungan. Talagang may mga taong mahirap hulaan ang sitwasyon. Hindi dahil hindi sila nagpaparamdam sa iba o dahil sa kahinaan ng personallidad kundi dahil ang pinapakita nila ay kabaliktaran ng kanilang sitwasyon. Nagtatago sa isang maskara at niloloko ang ibang tao, ang kanyang sarili. Ngunit hindi ko ibig sabihin na masama silang tao, minsan kasi talagang kailangan nilang gawin iyon upang makipagkapwa. Tulad ng kaibigan kong ngayon ko lang nalaman ang sitwasyong kanyang kinakaharap.

2032 words
Dianne Milioga
 


Comments




Leave a Reply