“It’s more fun in the Philippines”, ito ang bagong slogan inilunsad ng Department of Tourism ng Pilipinas na talaga namang totoo. Ang slogan na ito ay simple lamang pero nakakaakit sa mga nakakabasa at isang makapangyarihang paraan para tumaas ang turismo ng bansa. Ito ay hindi lamang ginawa para ipakita ang magagandang lugar na makikita rito sa Pilipinas, kundi para mas ipakita at ipakilala ang mga destinasyong wala ang iba at iba pang masasayang karanasan na ang mga Pilipino lang ang makakapagbigay. Mula sa mga magaganda at makasaysayang lugar, makapigil-hiningang mga tanawin, mga masasarap na pagkain at lalo na ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga turistang pumupunta sa Pilipinas.

                Ang Pilipinas ay mayaman sa mga yamang tubig, lupa, gubat at mineral dahil sa maraming likas na yaman dito. At kung maraming likas na yaman, maraming mga magagandang tanawin. Isa ito sa mga binabalik-balikan ng mga turista. Tulad ng mga destinasyong Banaue Rice Terraces, Boracay Beach, Cagayan River, lalo na ang Puerto Prinsesa Underground River na kasama sa 7 Wonders of the World at iba pa. Gustong-gusto ng mga turista ang mga magagandang lugar lalo na iyong pwede kang magkaroon ng magandang karanasan tulad ng sa Cagayan River dahil sa pwede kang mag-river rafting dito at sa Underground River ng Puerto Prinsesa dahil pwede kang makapasok rito. Hindi lang mga magagandang tanwin ang binabalik-balikan ng turista, pati na rin ang mga makasaysayang lugar at bagay rito sa Pilipinas. Dahil sa mayaman na kasaysayan ng Pilipinas, gusto ng mga turista na makita ang mga pruweba nito. Ang ilan sa mga ito ay ang Intramuros, Luneta Park, Corrigidor, Magellan’s Cross at ilang mga simbahan na itinayo ng mga Espanyol tulad ng simbahan ng San Agustin at Manila Cathedral.

                Kung may mga magagandang tanawin at makasaysayang lugar, meron din mga masasarap na pagkaing talagang ipinagmamalaki ng mga Pinoy. Ang mga Pilipino ay mahilig kumain at sabi nga nila ay hindi ka tunay na Pilipino kung walang extra rice, kaya isa sa mga unang ipinapakilala ng mga Pilipino ay ang sarili nating mga pagkain tulad ng adobo, mechado, kaldereta, afritada, sinaing na galunggong, lechong manok at baboy, sinigang na bangus o baboy, dinuguan, ang paborito kong kare-kare, pinakbet, laing, ginataang kalabasa o langka at marami pang putaheng Pinoy. At mas lalong sumasarap ang mga ito kapag mga Pilipino ang naghahain.

                Ang mga Pilipino ay natural na mainit ang pagtanggap sa mga tao at likas na masayahin. Na isa rin sa mga nakakaapekto sa pagdami ng mga turistang pumupunta rito sa Pilipinas. Nagugustuhan kasi nila ang maayos na pagtrato ng mga Pilipino sa ganitong pamamaraan. Hindi tulad ng mga Amerikano at mga Europeyo, ang mga Asyano ay likas na kalmado lalo na sa rehiyong Silangan at Timog-Silangang Asya. Bagamat nagkaroon ng Civil Wars sa Timog Kanlurang Asya, ang mga tao rito ay kalmado rin kaso nga lang ay hindi nila nagawang idaan sa mabuting usapan ang kanilang problema. Kaya ang ibang mga turista ay nagpapabalik-balik sa Pilipinas dahil dito.


496 words
Dianne Milioga

 
 
     “Palagi nila akong minamaliit, hindi nila napapansin ang aking mga kakayahan, nanghihingi lamang sila ng tulong sa akin kung hindi nila kayang gawin ang isang bagay. At sa mga ganoong eksena, para akong isang papel na basura sa sahig na tinatapak-tapakan dahil sa pagiging pangit at walang kwenta. Pero hindi nila ako kilala, maaaring mahina ako kung titingnan pero malusog ako at may maayos na pag-iisip, masasabi kong sapat ang aking kaalaman upang mataasan ko ang iba, ang problema nga lang ay masyado raw akong tahimik at kakaunti pa ang aking mga kaibigan na mas lalong nagpapahirap sa akin na mailabas at mapaalam sa iba ang aking mga kakayahan”.

                Pagiging mahiyain sa halos lahat ng bagay ay maaaring maging hadlang upang makilala ang iyong kakayahan na maaari mong ipagmalaki. Mula sa minsanang pakikisalamuha o pakikipag-usap sa iba at pagsali sa mga samahan sa eskwelahan man o sa pamayanan, kaunting koordinasyon na ibinibigay sa mga aktibidad na nagmumula sa mga ito lalo na ang pagkatakot na humarap sa mga tao, sa mga pagtatanghal o presentasyon man o kahit sa loob ng silid-aralan, ay malaki ang epekto sa mga kabataan lalo na sa kanilang pag-aaral. Magdudulot kasi ang mga ito ng mababang performance ng isang estudyante sa kanyang mga klase, gaano man siya kagaling kung hindi naman niya kayang ipakita ito sa iba, wala ring mangyayari. Ang iba pang halimbawa ng mga ganitong kaso ay maaaring kaklase mo noon na sa tingin mo ay wala nang kinabukasan pero mas umasenso pa sa iyo kahit na noon ay mas magaling ka sa kanila. Habang tumatanda kasi ang isang tao, mas magkakaroon siya ng maraming karanasan na maaaring makapag-patanto sa kanya na baguhin ang sarili at mas pabutihin pa na dapat ay dati na niyang ginawa.

Isa pang halimbawa ay si Jose Rizal. Noong panahon ng Espanyol mahigpit ma ipinangbabawal ang pagsusulat o pag-gawa ng mga bagay na tumutuligsa sa rehiyon at mismong sa mga Espanyol. Ngunit napagtanto ni Rizal ang sobra-sobrang pang-aalipin sa mga Pilipino noon ng mga Espanyol kaya nakagawa siya ng isang nobela pinamagatan niyang Noli Me Tangere na nangangahulugang “huwag mo akong salangin”, na siyang gumising at nagpaalab ng diwa at damdamin ng mga Pilipino tungkol sa kanilang mga karapatang pambansa. At nasundan pa ito ng isa pang karugtong na nobelang pinamagatang El Filibusterismo na nangangahulugang “Ang Pilibustero”, ito naman ang nakatulong sa mga Pilipino lalo na kay Andres Bonifacio at iba pang katipunero na maiwaksi ang mga balakid sa paghihimagsikan. Ganoon rin ang Spoliarium ni Juan Luna bagamat na tanggi ang mga Espanyol rito ay naging matagumpay pa rin ito at si Juan Luna.

Naipapakita rito na marami mang hadlang upang ika’y sumibol at makilala, marami pa ring paraan upang ito ay iyong magawa. Sabi nga nila “Kung ayaw, maraming dahilan, kung gusto ay maraming paraan”.


467 words
Dianne Milioga