DI INAASAHANG KAPALARAN

            Mae! Mae! ‘Wag na kayong umalis! Sige na, sumama na kayo sa akin! Mae, ‘wag mo siyang ilayo sa akin! MAE‼!

            Agad na bumangon si Jeremae dahil kanyang panaginip. Ngunit hindi pala ito isang panaginip lamang para sa kanya, ito ay isang bangungot na ayaw niyang magkatotoo. Hirap siyang bumaba mula sa kanyang kwarto hanggang kusina dahil hindi siya makahinga, kumuha siya ng isang basong tubig at nilagok agad ito at napansin niya kung anong oras na.

            “Hay Naku! Alas tres na pala. Buti at nagising ako sa ganitong oras kundi male-late na naman ako sa trabaho.” sabi niya. Agad siyang nagluto at inayos ang kanyang mga gamit sa trabaho.

            Nakabihis na siya at handa ng umalis nang naalala niya ang pinakamamahal niyang anak. Dahan-dahan siyang pumasok sa kwarto nito at hinalikan ang noo nito. At agad rin siyang umalis.

            “Aling Martha, mamaya ko na lang po ibibigay yung pera ha, tsaka ito po pala yung susi sa bahay para pag nagising po si Mickey sige alis na po ako.” Sabi niya sa matandang kapitbahay na nagwawalis sa bakuran.

“Sige Jeremae, ingat ka sa daan ha!” sabi ng matanda.

Si  Jeremae ay isang journalist na nagtatrabaho sa isang magazine sa isang kilalang tv network sa bansa. Siya ay pitong taon nang nagtatrabaho, simula nang nagtapos siya sa UP bilang cum laude ay dito na siya nagtrabaho. Maraming nag-aalok sa kanya ng mas magandang trabaho na may mas malaking sahod pero masaya na siya sa kanyang trabaho at malapit na rin naman i-publish ang kanyang libro tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. Tsaka ayaw rin naman siya pakawalan ng kompanya dahil sa kanyang kasipagan sa trabaho. Aakalain mo ngang tomboy ito dahil kaya niyang gawin ang ilang bagay na kaya ng mga lalaki, lalo na ang pagiging ama sa kanyang nag-iisang anak.

Habang nasa taxi ay naalala niya ang kanyang napanaginipan. Hindi niya maalala ang mga mukha ng tao sa kanyang panaginip pero alam niya kung sino ang lalaking sumisigaw rito. Biglang tumulo ang kanyang mga luha, ito ang bagay na ayaw niyang mangyari sa buhay niya lalo pa’t nangako siya sa kanyang ama bago ito mamatay na gagawin niya ang lahat upang proteksyunan ang kanyang anak. Agad rin niyang pinunasan ang kanyang mga luha dahil ayaw niyang makita siya ng kanyang mga katrabaho sa ganoong itsura, lalo na’t alam ng mga ito ang nangyari sa kanya. Mukhang napansin ng driver ang kanyang pagluha kaya lumingon na lamang siya bintana ng sasakyan. At nang pagkalingon niya ay nakita niya ang isang imaheng naglalakad na ngayon lang ulit niya nakita pagkatapos ng limang taon. Napadikit siya sa salamin ng sasakyan upang makita ng mas malinaw ang imahe, ngunit dahil umuulan ay hindi rin niya nakita ang mukha nito.

Pagkatigil ng taxi sa tapat ng gusaling kanyang pinagtatrabahuan ay agad siyang nagbayad at bumaba ng sasakyan. Wala na siyang pakialam sa bumubuhos na ulan basta ang gusto niya ay magtago mula sa imaheng kanyang nakita, ngunit sa kasamaang palad, nang nakapasok na siya sa lobby ng gusali ay doon rin pumasok ang taong kanyang nakita. Hindi siya makapaniwala, nanlaki pa ang kanyang mga mata na siyang ikinagulat naman ng kaibigan niyang naksabay pala niya sa pagpasok.

“Hoy friend‼! Anu bang nangyayari sayo ha? Bakit ang putla-putla mo? At nanlalaki pa ang mga mata mong yan!” ani Alice. Ngunit hindi pa rin siya sumagot rito kahit kinakalabit na siya nito, nakapako na ang kanyang tinging sa taong naglalakad papalapit sa kanilang kinatatayuan. At nagulat siya nang napagtanto niya kung sino ito.

“Michael ito yung ID ko, bilisan mo at nagmamadali ako! Bilis!” pagmamadali niya kay Michael na nasa lobby. Nang makuha niya ang kanyang ID ay agad siyang tumakbo sa elevator. Habang ika-ika namang humabol sa kanya ang kaibigan.

“Je, okay ka lang ba? Sagutin mo naman ako.” sigaw ni Alice kay Jeremae sa elevator.

“Okay lang ako Alice. Okay sorry, nagmamadali lang talaga ako kanina, pasensya na.” sagot ni Jeremae.

“At hanggang ngayon ay nagmamadali ka. Alam mo hindi magandang namumutla ka kapag hinarap mo yung mga applicants mamaya okay. Inhale, exhale muna.” ani Alice.

“Hay naku! Oo nga pala! Muntik ko nang makalimutan!” natatarantang sagot ni Jeremae.

“Teka teka, di ba sabi ko inhale, exhale muna. Sige gawin mo.” ani Alice. At ginawa rin ito ni Jeremae. Pero hindi pa rin nawawala sa kanyang isip ang taong nakita niya.

Pagdating sa kanilang opisina ay agad niyang inayos ang kanyang mga gamit para sa pag-iinterview sa mga applicants. Alas sais pa lang naman, i-edit ko muna yung article ko. Habang nagta-type ay bigla siyang natigil sa kanyang naisip. Bakit nga pala siya nandito? Hindi kaya isa siya sa mga applicants? Hindi. Hindi naman siguro, hindi naman siya nagtapos ng pamamahayag para pumasok rito.

“Pero malay mo.” kanya na lamang nasabi.

“Anung malay mo?” sabi ni Alice, “Ikaw kung anu-ano na naman ang naiisip mo ha. Kanina ka pa sa baba para kang baliw. Bakit ka nga pala nagkakaganun kanina ha?” usisa ni Alice.

“Parang nakita ko kasi si—” natigil siya sa reaksyon ng kaibigan.

“Naku Je! Nagiilusyon ka, hindi yon totoo okay wala na siya!” paglinaw sa kanya ng kaibigan. “Tsaka ano naman ang gagawin nun dito eh wala namang ka-passion-passion yun sa pagsusulat.Tsaka—”

“Je ito na yung mga files ng mga bagong applicants. Tapos mamayang ala una e, may meeting kayong dalawa para sa renovation ng office niyo, okay.” Sabi ni Michelle na katrabaho rin nilang dalawa.

“Bakit naman kami kasama sa meeting na ‘yon e, wala naman kaming alam sa engineering e!” tanong ni Jeremae.

“E kasi iyang kaibigan mo yung nagrereklamo sa office na ‘to kaya kasama kayong dalawa. Tsaka wala yung manager niyo dito, ikaw ang kapalit. Sige alis na ako.” Sabi ni Michelle.

“Ang gulo naman kausap nun, ba’t naman ako nasama e ikaw yung kailangan dun!” nagtatakang tanong ni Jeremae kay Alice.

“Friend, di ba ako yung nagdesign ng office at di ba tinulungan mo ako?!” sagot ni Alice.

“Ay oo nga pala! Syempre illustrator ka nga pala kaya gusto mo mukhang… kung ano tong office na to hehe! Sige puntahan ko na yung mga applicants para maagang matapos.” paalam ni Jeremae kay Alice.

Habang naghihintay sa mga aplikante ay inusisa niya ang mga papeles niyang dala, hinahanap kung mayroong Edward Santiago. At salamat sa diyos e sa mga papeles ay wala naman siya nakitang ganoong pangalan, pero nagtataka pa rin siya kung ano ang ginagawa nito sa kompanya.

“Namalikmata lang siguro ako.” Sabi niya sa kanyang sarili

Pagkatapos ng apat na oras ng pagtatanong at pagkumpirma sa mga kakayahan ng mga aplikante ay agad rin siyang dumiretso sa cafeteria. Dahil limang minuto na lang bago dumagsa ang mga empleyado sa cafeteria ay agad rin siyang um-order ng isang isang malaking burger at dumiretso sa table kung saan palagi siyang kumakain.

“Gandang tanghali girl! ‘musta yung mga applicants?” bati sa kanya ni Michelle na kasama si Alice.

“Ayun, mukha namang masisipag, pwedeng utos-utosan! Joke!” sagot ni Jeremae sa dalawa. “Okay lang naman sila, tsaka nakakatuwa kausapin yung isa kasi talagang may ibubuga, tsaka maganda pa, pwedeng news caster!”

“Ganun ba! Eh pa’no naman yung Edward, isa ba siya sa mga applicants?” usisa ni Alice.

“Edward Santiago?! Bakit nakita niyo ba siya rito?” ani Michelle.

“Kaninang umaga, pero hindi ko sure kung siya ba talaga iyon, tsaka it’s been five years, malay ko ba kung ano nang nangyari dun!” sagot ni Jeremae. “Wait, kumain muna tayo okay, hindi ko ma-enjoy itong burger sa ingay niyo!”

Saktong pagkatayo ni Jeremae at Alice upang kumuha ng tubig ay pumasok sa cafeteria ang kanilang boss na kausap ang taong nakita ni Jeremae nitong umaga.

“Anak ng tekwa! Mukhang papalapit pa rito! Bilis Alice!” pabulong na sabi ni Jeremae.

“Oo ito na saglit!” sagot ni Alice. At nagmadali silang dalawa pabalik sa kanilang mesa at natapon pa ang mainit na tubig ni Alice.

“Ay tanga-tanga!” pabulong na bulalas ni Jeremae sa kaibigan.

“Je! Anu ka ba? Mamaya mapansin ka ni Ed—”

“Michelle, ku-ma-in na tayo please.” mahinahon na sabi ni Jeremae.

Tahimik na kumain ang tatlo sa kanilang mesa dahil dalawang mesa lang ang layo ni Edward sa kanila. Papatapos na niyang kainin ang kanyang burger nang mapansin ng dalawa ang kanyang nanlilisik na mata na naktutok lang sa isang direksyon.

“Parang alam ko na kung bakit siya nandito!” bulong ni Jeremae sa dalawa.

“Ano?”

“Di ba engineer si Edward?” sagot niya sa dalawa. “Baka siya ang kinuha sa pag-renovate ng opisina.”

Nagmamadaling umalis ang tatlo sa cafeteria pagkatapos kumain. At agad na kinumpirma ni Michelle kasama nga si Edward sa meeting na dadaluhan nina Jeremae at Alice.

“Tama ka Je, siya nga yung engineer.” balita ni Michelle sa dalawa.

“Anung gagawin ko? Nakakainis naman kasi si— umabsent pa kasi.”

“Pero, ang sabi ni Boss, kayo raw dalawa, tsaka talagang pupunta ako sa meeting e secretary nga ako ni Boss di ba?” sagot ni Michelle. “Pero pwedeng gumawa ng palusot.”

“Hay naku! Wag na lang, hindi naman epektib yung dati at sigurado alam nay an ni boss.” Singhal ni Alice. “Je, pumunta ka na lang tapos humiwalay ka na lang sa akin, Michelle dun mo siya ilagay sa upuan na hindi siya mahahalata ni Edward okay!”

“Okidoks! Punta na lang kayo doon ng ala una okay? Sige alis na ako.”

Ang isang oras na break ni Jeremae para sa apat na oras na pakikipag-usap sa mga aplikante ay hindi na niya ma-enjoy. Kung pwede nga ay matulog na lang siya sa mesa niya ngayon dahil napapagod na siya sa kaiisip kung ano ang mangyayari kapag nakita siya ni Edward. Si Edward. Si Edward na limang taon na niyang hindi nakikita pagkatapos ng maituturing niyang pinakamabigat na pagsubok niya sa buhay na hanggang ngayon ay pinagsisikapan niyang solusyonan mag-isa. Ang plano niya sa araw na ito ay tapusin ang pag-edit sa libro niya na isang lingo pa naman bago ang deadline.

Hay naku! Okay lang yan. Isang linggo pa naman e. Pero itong problema ko ngayon, Lord pwede bang lagyan mo rin to ng deadline biglaan e, as in biglaan talaga. After five years bakit ngayon lang kaya siya nagpakita, at bakit ngayon pa? Anu pa bang kailangan niya sa akin? Alangan si Mickey. At bakit akala niya ba ibibigay ko sa kanya si Mickey? Pakamatay muna siya! Hay naku talaga! Bakit ba kasi siya pa ang kinuha ni Boss? Alam kaya nun?

“Hoy friend! Halika na!” ani Alice.

“Bakit anong oras na ba?” sagot ni Jeremae na nag-iinarte dahil inaantok.

“Ten minutes bago ang meeting, babaguhin natin yang mukha mo! Dali tumayo ka na dyan.”

Lupaypay na tumayo si Jeremae dala ang kanyang mga gamit. Dire-diretso lang ang lakad niya, wala na siyang pakialam sa iba kung mabangga man niya, basta ang gusto niya ay harapin na lang ang “bwiset” sa buhay niya.

“Je! Dito muna tayo sa rest room huy!” sigaw ni Alice sa kaibigan na mukhang nagdilim na ang paningin.

“Ay! Oo nga pala! Sorry!” sagot ni Jeremae.

Parang batang nakaupo si Jerema sa lababo ng rest room. Habang si Alice naman ay hinahanda ang akala mo eh maleta ng make up sa laki.

“Wag na lang Alice. Wag mo nang papangitin ang mukha ko, haharapin ko na lang siya kung sakaling makita man niya ako. Halika na punta na tayo dun.”

Sa kalahating oras na pagsasalita ng mga nagsasalita sa loob ng meeting, tila wala namang naiintindihan si Jeremae sa alin man sa mga ito. Nakatutok lang ang kanyang mga mata sa isang mukha na hindi niya araw-araw nakikita. Baka kasi hindi na rin niya ito makita sa susunod na mga araw, pero hindi pa niya talaga alam kung anong gagawin para lumayo dito.

Napapansin niya kaya na nakatitig ako sa kanya? Nakikilala niya kaya ang magandang mukhang ito. Baka kanina pa niya ako napansin. Parang walang nagbago sa kanya, parang tulad lang dati, parang wala talagang nagbago, maliban sa akin. Medyo tumaba, na-stress out ng sobra at… nagkaanak. Pero siya rin naman e, hindi nga lang siya nakaranas na--

“Hoy friend, tapos na yung meeting labas na tayo.” Bulong ni Alice sa kaibigan na tila kakagising lang.

“Okay, okay. Halika na.” sagot ni Jeremae. Sa kamalas-malasan ay ang bibilis magsi-alis ang kasama nila at iniwan pa sila ni Michelle. Nagtaka tuloy si Jeremae pero bago pan siya makalabas ay narinig niya ang isang tawag mula sa isang pamilyar na boses.

“Ms. Santos?” ani Edward.

Hirap si Jeremae na lumingon at hirap rin siyang magpatuloy sa paglalakad. Ang sabi niya kanina ay haharapin niya ang “bwiset” na ito, pero parang hindi niya nakondisyon ang sarili.

“Ms. Santos, pwede ba kitang maka-usap? Please, just for a minute.”

“Y-yes of course.” At nagkaroon na nga siya ng lakas ng loob na lumingon dito. Na may pinakamatigas na mukha. “Alice, susunod din ako, okay.”

“Sure ka? O-okay, okay.” sagot ni Alice na nag-aalangan pang umalis.

“Please take a sit Ms. Santos.” Ani Edward. “Okay, paano ba?” nagkakamot ng ulo na sabi ni Edward.

“Anong paano ba? Look Mr. Santiago, I still have some work to do.” sagot ni Jeremae.

“Fine, sige. Mae, gusto kong makita ang anak ko. I want to keep him, and you.”

“Talaga? Ilang taon mo yang pinag-isipan, aber? Keep him? Keep me? Anong tingin mo sa akin? Isa sa mga toy collection mo?”

“No! gusto ko lang namang makasama please! Alam kong mahirap to pero if you want it too, why not?”

“Naaalala mo yung sinabi ng tatay ko na kahit mamatay siya e hindi ka niya hahayaang makalapit sa amin? Edward, five years na walang koneksyon sayo, I’m over you! and I’m over with all this problems you made. Iniwan-iwan mo ako, yang anak mo tapos bigla kang susulpot dito para sabihin yan?!” Alam ni Jeremae na kapag sumabog siya ay hindi na siya makokontrol nito, pero alam rin niya na sa pananatili niyang mahinahon ay lalo lang niyang iniinis si Edward, mas hindi naman niya kayang makontrol ito, pero at least pwede itong dahilan para tuluyan na niyang hindi makita ito.

“Jeremae, I’m trying to keep calm here, kasi ayokong takutin ka, simple lang naman ang gusto ko e. Sumama kayo sa akin then tapos na, wala ng problema.”

“Alam mong hindi ko magagawa yan Edward. Alam kong parehas nating kasalanan kung bakit tayo naging ganito, pero bigla kang nawala. Ikaw yung unang umayaw, sa tingin mo ba madali yon?”

“Umalis ako kasi kailangan kong kumbinsihin ang papa na kunin kayo. Alam mo naman yun di ba?”

“Pero hindi ka na bumalik!”

“Bumalik ako pero wala na kayo! Ang sabi ng mama mo ay pumunta kang probinsya dahil ayaw mo nang makita pa ako. Pumunta ako ng probinsya mo pero wala ka naman dun!”

“Edward, ang daming paraan para lumonekta sa akin! Nang umalis ka, hindi ka naman tumawag o magpadala ng sulat sa akin. So sinasabi mo ngayon na ako ang nagpalala ng sitwasyon kasi umalis ako nang di nagsasabi sayo?”

“Hindi! Hindi yon ang ibig kong sabihin—”

“Edward please, pagod na rin naman ako, marami pa akong gagawin.” At dumiretso na si Jeremae sa pinto pero parang hindi niya kayang umalis dahil alam niyang totoo ang mga sinasabi nito.

Isang oras ring nag-iiiyak si Jeremae sa kanyang opisina, hindi niya rin alam kung bakit ba siya umiiyak at hindi rin naman siya mapatahan ng kaibigang si Alice.

“Bakit ganun siya!? Siya nga yung mali tapos parang siya pa yung kawawa.”

“Je, umuwi ka na kaya, pagod ka lang. sige na umuwi ka na ihahatid na kita sa ibaba.”

Malamyang naglakad ang dalawa sa hallway ng building. Talagang pagod na pagod na si Jeremae, hindi na rin niya ata kayang bumiyahe mag-isa. Nang nasa labas na ila ng building ay muli na naman niyang nakit si Edward. Agad siyang sumakay sa taxi at nagpaalam sa kaibigan. Papunta kasi sa direksyon nila si Edward, at alam niya ang gagawin nito.

Pagdating sa bahay ay tila nawala ang pagod niya nang makita ang anak. Si Mickey na ang pinakamalaking biyaya sa kanya ng Diyos kahit na ito ang bunga ng kanilang kamalian ni Edward at nagdulot sa kanya ng parang habang buhay na sakit. Kuhang-kuha ng kanyang anak ang mga mata ni Edward na kahit mapungay ay sobra namang nangungusap, aakalain mo na kahit bata ay binabasa ang iyong isip.

Buong hapo nang natulog si Jeremae. Pinabantayan na lang niya kay Aling Martha si Mickey dahil talagang pagod na siya. Nagising lamang siya ng nakaramdam siya ng matinding gutom. Tumingin siya orasan at nagulat siya kung anong oras na. Alas tres na ng umaga. Mula ng dumating siya sa bahay ng alas singko ay natulog siya mulas alas sais hanggang alas tres ng umaga. Parang ngayon lang siya natulog ng ganoong oras. Karaniwan kasi ay nakakatulog lamang siya ng tatlo hanggang limang oras at may kasama pa palang bangungot pero ngayon ay wala.

Maganda ang kanyang gising dahil excited siyang pumunta sa trabaho. Hindi naman dahil kay Edward pero may feeling ako na special ang araw na ito. Naisip niya. Nagluto siya kaagad ng agahan para sa anak at nag-ayos ng mga gamit sa trabaho. Pagkatapos ng isa’t kalahating oras ng paghahanda ay handa nang umalis si Jeremae.

“Aling Martha, ito po yung pera, nakalimutan ko kasing ibigay sa inyo kahapon. Tsaka ito po yung susi sa bahay. Sige po alis na ako.” ani Jeremae.

“Mukhang maganda ang iyong gising, sige ingat ka sa daan.” sagot ni Aling Martha.

Pagdating ni Jeremae sa kanyang opisina ay may nakita siyang isang bouquet ng bulaklak at mga sulat. Binasa niya ang unang sulat:

Jeremae,

Alam kong okay ka na sa buhay mo pero gusto ko pa rin kayong kunin. Ang ibang mga sulat ay pinadala ko dati sa iyong mama. Pero hindi ko alam na hindi niya ito sayo naibigay. Nitong nakaraang buwan ay bumalik ako roon at kinuha ko ang mga ito. Kung gusto mong maliwanagan, basahin mo na lang mga sulat at tawagan mo ako kung ano ang iyong pasya.

                                                                                                                                           Edward

Kalahating araw lang ang itinagal ni Jeremae sa trabaho at agad rin siyang umuwi upang sorpresahina ng anak. Binihisan niya ito sa pinakabago nitong damit at saka tinawagan ang ama ng bata at tinanong kung saan sila magkikita.

3,037 words

Gladys C. Milioga
 
ANG TUNAY NA SARAP NG BUHAY

Pagdating ko sa eskwelahan ay siya pa lang ang tao sa aming silid-aralan. Mukha siyang inaantok ngunit nang makita niya ako ay agad siyang ngumiti at bumati.

“Magandang umaga Charlene! Maganda bang gising mo? Ako oo, nagluto kasi ang papa ko ng adobong baboy at may pinya pa! Nagbaon pa nga ako e, bibigyan kita mamaya para matikman mo!” sabi ni Michelle.

“Maganda naman ang gising ko ngayong umaga at mas lalong gumanda pa nang makita kita! Wag mo kakalimutang bigyan mamaya ng baon mo ha at bibigyan din kita ng baon kong tuna sandwich.” Tugon ko sa kanya.

Ayun si Michelle, masayahin at maalalahaning kaibigan. Kaibigan siya ng buong klase at ng mga guro. Natutuwa sila sa kanya dahil siya’y napakagalang at masunurin at ni minasa’y hindi naming siya nakitang nawalan ng sigla. Sumisimangot lamang siya kung may pagsusulit sa matematika ngunit pinipilit niya ang kanyang makakaya na mas lalong nagpapasaya sa amin.

Excited na inilabas ni Michelle ang kanyang baon at ibinigay sa akin ang isang hiwa ng baboy.

“Oo nga ang sarap ng luto ng papa mo! Tama lang yung tamis sa alat ng adobo!” tuwang-tuwa kong sabi sa kanya.

“Sabi ko sa’yo e, masarap talaga ang luto ng papa ko! Nitong Sabado nga lang e nagluto siya ng dinuguan at nagprito pa siya ng manok noong Linggo, at mas masarap pa ang luto niya kesa sa mga fast food chain. At sabi ng papa ko, pag-uwi ko daw galing eskwela e lulutuan niya ako ng sinigang na bangus!” Kwento niya sa akin.

Ganoon siya palagi, laging ikinukwento ang mga niluluto ng kanyang papa. Palagi kaming binabahagian ng mga kwentong pagkain, at kahit yung mga pagkaing hindi naming alam kung saan nanggaling ay ikinukwento niya, basta’t luto ng kanyang ama. Araw-araw ay may ikinukwento siyang bagong putahe na kanyang natikman at hangga’t maaari ay nagdadala siya upang ipatikim sa akin.

Tulad na lang ng sushi na dinala niya noong nakaraang Lunes, bagama’t lasang hilaw ay masarap naman at masustansya. Noong Martes, nagluto raw ang papa niya ng manok na nilaga sa sabaw ng buko at pinya na kahit na hindi ko natikman ay nabusog naman ako sa kanyang pagkukwento. Miyerkules, isang sili na binalot sa lumpia wrapper at may mga keso at mga gulay na mas kilala sa tawag na Dynamite. Huwebes, ensaymada na may palaman sa loob at noong Biyernes ay nagkwento siya tungkol sa isang pagkain na kinakain ng arabo.

Sabi ng aming mga kaklase alagang-alaga raw sa kanilang mga kalusugan ang kanyang mga magulang dahil kung magluto raw ang mga ito ng pagkain ay halos kumpletuhin na ang menu sa mga restaurant sa dami. Pero hindi na rin ako nagtataka dahil mayaman naman sila at tatlo lang silang magkakapatid. At chef rin kasi ang papa niya sa isang restaurant kaya ganoon na lang ito kung magluto.

Kinabukasan ay siya pa rin ang sumalubong sa akin sa aming silid aralan, masaya at puno ng sigla. “Magandang umaga Charlene! May pandesal ako rito, gusto mo? May palaman tong keso!” alok ni Michelle sa akin.

“Sige ba! Ang bago naman tong pandesal saan mo binili?” tanong ko sa kanya.

“Ito? Ang papa ko ang gumawa nito, ang sarap no?!” pagmamalaki ni Michelle. Binigyan rin niya ang dalawa pa naming kaklase na dumating at naubos rin kaagad dahil binigyan pa niya ang kanyang crush na si David.

Buong araw ay ganoon pa rin si Michelle, masyahin at laging nagkukwento tungkol sa mga pagkaing niluluto ng kanyang ama at namamahagi ng kanyang baon. Nang uwian ay binigyan niya ako ng envelope, birthday na pala niya sa Linggo.

“Gusto kong pumunta ka sa bahay sa Linggo dahil kaarawan ko!” sabi niya.

“Sige ba! Sasabihin ko kay mama para payagan niya ako! Sige na uuwi na ako! Ingat ha!” paalam ko sa kanya.

“Sige ako rin uuwi na, ingat ka rin!” paalam niya sa akin.

Excited na ako sa Linggo, kaya pagdating ko sa bahay ay sinabi ko kaagad sa aking mama ang tungkol sa kaarawan ni Michelle.

“Mama! Pwede po bang pumunta ako sa kaarawan ni Michelle sa Linggo?”

“Bakit sa Linggo na ba ang kaarawan ni Michelle? Ah tama! Iyam na taon na rin siya tulad mo, oo sige pwede kang pumunta at pwede mo na rin suotin ang bago mong damit na binili ng iyong ama.” Sabi ng aking ina. Tuwang-tuwa ako na marinig iyon sa aking mama at dahil na rin masusuot ko na ang aking bagong asul na damit.

Hindi na ako makapaghintay na mag-Linggo, hindi rin ako masyadong makatulog dahil excited talaga ako. Ganoon rin ang sabi sa akin Michelle, hindi rin siya makatulog dahil sa kanyang kaarawan at kinuwento rin niya sa akin ang hitsura ng kanyang susuotin na damit.

“Yung binili ng aking mama na damit para sa aking kaarawan ay isang pulang gown na may malaking ribbon sa likuran, kung itataas mo ang ribbon ay pwede na itong pakpak sa laki nito!” ani Michelle.

“Yung susuutin ko naman sa kaarawan mo ay isang asul na damit na hanggang tuod ko, simple lang ito kung titignan pero may mga disenyo itong dyamante sa bandang katawan at may ribbon rin ito sa likuran!” kwento ko sa kanya.

At nang dumating na ang Linggo ay hinatid ako ng aking mama sa bahay nila Michelle. Hindi ko siya kaagad nakita pero nagulat ako sa mga pagkain inihanda ng kanyang ama. Parang hindi kaarawan ng isang bata na puro spaghetti at fried chicken. Ang daming ulam at mga deserts pero sa nakikita ko ay kaunti lang ang tao. Ngunit maya-maya ay dumarami na rin ang mga bisita, habang ako ay nakaupo mag-isa sa mesa ay ginulat ako ni Michelle.

“Wow! Michelle ang ganda nga ng damit mo! At ang laki pala talaga ng ribbong sa likuran! Hahaha! Talaga bang nakalobo ito? Hindi ka ba nahihirapan sa ganyang damit? Mukhang mabigat!” usisa ko sa damit niya.

“Salamat at nagustuhan mo ang damit ko! Oo talagang nakalobo ito dahil may mga tela pa ito sa ilalim at medyo nahihirapan rito ako pero sana’y naman ako sa ganito,” sabi ni Michelle “Ang ganda rin ng damit mo! At kumikinang pa dahil sa mga disenyong dyamante!”

“Michelle mukhang magsisimula na ang programa, halika na pumunta na tayo sa bakuran ninyo.” sabi ko sa kanya.

Masayang-masaya kami sa kanyang kaarawan, may mga clown pang nagma-magic at kain lang kami nang kain, laru nang laro, at tuwang-tuwa ako dahil masayang- masaya si Michelle sa kanyang kaarawan.

“Ang sarap naman ng fried chicken ng papa mo Michelle!” sabi ko sa kanya.

“Sabi ko sayo e! Tama lang ang tamis!” sagot ni Michelle. Nagtinginan kami ng iba pa naming mga kaklase dahil sa sinabi ni Michelle. At biglang tumawa ng malakas si David.

“Tamis? Hindi naman matamis ang fried chicken Michelle nagpapatawa ka ba?” nagtatakang tanong ni David sa kanya.

“Oo nga Michelle, hindi naman matamis ang fried chicken Michelle, bakit wala ka bang panlasa? Ikaw talaga ha!” natatawa kong sabi sa kanya.

“Ay hindi akala ko kasi e yung carbonara ang tinutukoy mo! Tikman mo rin tong pakbet ni papa, masarap yan, maalat.” sagot niya sa akin. At inabot niya sa akin ang pakbet pero hindi naman ito aalat kung walang bagoong. Tnikman ko kung maalat na ang pakbet pero hind naman.

Pagkatapos naming kumain ay naglaro pa kami ngunit napansin kong tila nawawalan na ng gana si Michelle. Baka siguro ay pagod na siya o kaya ay busog lang pero nakikipaglaro naman siya sa ibang bata at medyo umiiwas rin siya sa akin. Hindi ko alam kung may nasabi ba ako o nagawang mali, at medyo nalungkot ako nang umuwi na ako dahil parang may nagawa talaga akong mali.

Kinabukasan, wala pa si Michelle nang dumatin ako sa aming silid aralan. Baka maaga lang akong nagising kanina. Nasabi ko sa aking sarili, ngunit ganitong oras naman ako laging nakakarating sa eskwelahan bakit kaya ganun?

Maya-maya lang ay dumating na ang iba naming kaklase, at doon lang siya lumitaw. Mukha pa siyang inaantok, at sa tingin ko ay dahil pagod lang siya kahapon. Dire-diretso lang siya sa kanyang upuan at hindi ako binate o kung sino man. Nanduon lang siya sa kanyang upuan, nilalapitan iya n gaming mga kaklase upang batiin siya at sabihing masya ang kanya birthday party, pero kaagad ding umaalis ang mga ito. Napag-isip kong lumapit sa kanya at nang makita niya ako ay nagulat siya.

“Magandang umaga Michelle!” batik o sa kanya.

“Ah! Ikaw pala Charlene! Magandang umaga rin!” bati niya sa akin.

“Mukhang inaantok ka pa ah! Hindi ka ba kaagad nakatulog kagabi?” tanong ko sa kanya.

“Oo parang ganun na nga, sige iidlip muna ako, matagal pa naman ang unang klase e.” sagot niya sa akin.

Tila nagbago ang masayahin at masiglang si Michelle hindi na siya nagkukwento ng mga pagkain pagkatapos noon at hindi na rin namamahagi ng kanyang baon. Naging matamlay rin siya palagi rin niya akong nilalayuan lalo na tuwing recess. At isang araw ay nakita ko siyang kasama ang kanyang ate sa pagkain sa aming canteen.

“Ang sarap naman pala ng bicol express ate, maalat-alat!” sabi ni Michelle sa kanyang ate.

“Hindi Michelle, hindi maalat ang bicol express, maanghang ito.” Pagtatama ng ate niya.

“Ha? Di ba masakit sa dila yung maanghang? Hindi ba sumasakit yung dila mo ate?” tanong ni Michelle.

“Hindi naman masyado, sanay naman akong kumain ng maang hang e.” abi ng ate ni Michelle.

At nagulat ako sa aking narinig. Nagtataka ako kung bakit ganoon si Michelle. Bakit kaya hindi tama ang kanyang mga panlasa at bakit parang hindi naman siya ganoon dati? Natutulala ako pagbalik ko sa aming silid-aralan. Iniisip ko kung ano ang maaaring dahilan kung bakit siya nagkakaganun. Ang bulag hindi nakakakita, ang bingi hindi nakakarinig, ang pipi hindi nakakapagsalita, e ano yung kay Michelle? Bakit ba siya nagkakaganun? Hindi kaya wala talaga siyang panlasa? Namutla ako sa aking inisip at kaagad na binura iyon a aking isip ngunit tuwing napapatingin ako sa kanyang pwesto ay hindi ko mapigilang tanungin ang sarili kung talaga bang maaaring mawalang ng panlasa ang isang tao?

Pagkatapos n gaming klase ay nagmadali akong pumunta sa bahay nila Michelle, sumakay na rin ako ng tricycle para maunahan ko si Michelle. Pagdating sa bahay nila ay nagmadali akong kumatok at ang sumalubong sa akin ay ang papa ni Michelle.

“O, ikaw pala Charlene! Halika pasok ka.” sabi ng papa ni Michelle. “Salamat po.” sagot ko.

“Wala pa rito si Michelle e, anu bang ipinunta mo rito?” tanong ng papa ni Michelle.

“Uhmm, gusto ko lang po kayong tanungin, wala po bang panlasa si Michelle?” namutla ang papa ni Michelle sa tanong ko.

“Mukhang alam mo na. Ganito kasi iyon, nula pa nung bata si Michelle nang mapansin naming na wala siyang iabang reaksyon kundi umiyak noon tuwing kami ay kumakain, yun pala ay hindi niya nalalasahan ang kanyang kinakain kaya pinapatikim ko siya ng mga putahe at tinuturo sa kanya ang lasa para alam niya kung ano ang sasabihin sa mga tao kung sakaling tanungin siya. Sobra kaming nalungkot dahil doon pero matapang siyang bata, nagpursige pa rin siyang itago ang tungkol sa bagay na iyon dahil ayaw niyang matukso, pero sana maintindihan mo na pinoproyektahan lang din naming siya.”

At pagkatapos ay nakatayo na sa aming harapan si Michelle, umiiyak.

“Sorry Charlene kung hindi ko sinabi sa iyo ang totoo, gusto ko lang kasing maging normal kagaya niyo na mayroong panlasa. Pasensya na, alam kong masamang magsinungaling pero, iyon lang ang naiisip kong paraan e.” sabi ni Michelle.

“Okay lang iyon Michelle para sa akin normal kang bata at masaya ako dahil nanging kaibigan kita!”

At umuwi ako sa bahay na masya at naliwanagan tungkol kay Michelle. At kung may makaalam pang ibang tao tungkol rito, ipagtatanggol ko siya at tutulungan. Talagang may mga taong mahirap hulaan ang sitwasyon. Hindi dahil hindi sila nagpaparamdam sa iba o dahil sa kahinaan ng personallidad kundi dahil ang pinapakita nila ay kabaliktaran ng kanilang sitwasyon. Nagtatago sa isang maskara at niloloko ang ibang tao, ang kanyang sarili. Ngunit hindi ko ibig sabihin na masama silang tao, minsan kasi talagang kailangan nilang gawin iyon upang makipagkapwa. Tulad ng kaibigan kong ngayon ko lang nalaman ang sitwasyong kanyang kinakaharap.

2032 words
Dianne Milioga